Joi Barrios presents the Introduction to
Ang Maghuhurno ni Cymbeline R. Villamin
Disenyo: Criselda Santos, Maryann Campo
Limbag: 8Letters Bookstore and Publishing, Philippines (2023)
Nakilala ko si Cymbeline nitong nakaraang taon, nang maging fellow siya sa "Romantic Fiction" workshop na pinamahalaan ko. Sa palihan, napansin kong buo na sa isip niya ang isusulat -- ang plot ng kuwento, ang mga tauhan, at maging ang konteksto ng nobela. Karangalan ko ngayong iharap ang nobelang ito sa kanyang mga mambabasa.
Sa marami sa inyong mahilig magbasa ng nobeletang romantiko o romance novels, pamilyar na marahil kayo sa mga kumbensiyon nito na mula sa Edad Medya at dumating sa Pilipinas sa pamamagitan ng awit at korido. Ilan lamang sa mga kumbensiyong ito ang bawal na pag-ibig, hindi masambit na pag-ibig, trayanggulo ng pag-ibig, hindi masukliang pag-ibig, pagbabaligtad ng kapalaran (kung minsan, dahil sa pagkamatay ng malayong kamag-anak na may pamana pala), pagkakahiwalay ng magkasintahan, at lihim na nabubunyag sa huli (halimbawa'y sa pamamagitan ng kuwintas o liham). Makikilala rin natin ang mga kumbensiyong ito sa mga nobelang Tagalog sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano (1899-1942), sa komiks, sa mga maikling kuwento at nobelang nalathala sa magasing Liwayway, at kalaunan, sa pelikula, radyo, at telebisyon.
Huling mga taon ng dekada 80 at noong dekada 90 ng nakaraang siglo nang maging popular sa Pilipinas ang mga "pocketbook" na nobelang romantiko. Masasabing dalawa ang naging impluwensiya ng mga nobelang ito: una, ay ang nabanggit na kaninang mga kumbensiyong matatagpuan sa mga nobelang seryalisado sa magasin at komiks; at ikalawa, ang Ingles na pocketbooks na tulad ng Mills & Boon at Harlequin. Sa huli, karaniwan naman ang mga sumusunod na stratehiya: ang mailap na lalaki; ang babaeng akala ay kinaiibigan ng bidang lalaki pero hindi naman pala; ang love scene; kung minsan, kahika-hikayat na lunan ng nobela; at ang big reveal sa huli, kung saan ipagtatapat na ng mailap na lalaki na matagal na pala siyang may gusto sa bidang babae. Sa panahong iyon, naging kaiba naman ang "Rosas Romances" na pinamatnugutan ni Lualhati Bautista at inilathala ng Anvil Publishing, dahil pinili ng mga manunulat na isakonteksto ang kanilang romance novels sa mga isyung panlipunan.
Kung tutuusin, may sinusunod din ang nobelang Ang Manghuhurno sa mga nabanggit na kumbensiyon. Kasama na rito ang bawal na pag-ibig nina Liz at Lance, ang trayanggulo nina Enzo, Liz, at Lance, at nina Liz, Lance, at Nathanie; at ang pagbabaligtad ng kapalaran ni Lance dahil sa pagkamatay ng kanyang tiyuhin. Gayon pa man, bumalikwas din ng nobela sa kalakaran sa mga sumusunod na paraan: sa pagtatala ng kasaysayan, partikular na ang panahon ng Himagsikan noong 1896; sa pagsasakontekso sa nobela sa mga nagaganap sa kasalukuyan, lalo na ang pandemyang COVID-19 at ang eleksiyon sa Pilipinas; sa pagtalakay sa transaksiyonal na pag-ibig na namamagitan karaniwan sa gym trainers o dance instructors at higit na nakatatanda na may-asawang babae; sa pagbibigay-pansin sa mga hamong dulot ng pagkakaroon ng anak na may autismo; at sa feministang pananaw na makikita sa pagtalakay sa hiwalayan ng mag-asawa at sa komplikadong relasyon ng mga babaeng nagmamahal sa parehong lalaki.
Mahalaga ring tukuyin ang piniling talinghaga ng awtor na bibingka. Posibleng basahin ito bilang paggigiit sa tradisyon -- minana pa ang recipe sa lola, makaluma ang paraan ng pagluluto, may pagdidiin sa performance ng pagkababae bilang reyna ng kusina, at sa ibang tao ay nagpapaalala ng Pasko at simbang gabi. Kabaligtaran ito sa mapangahas na pagtalakay sa pag-ibig kung saan higit na nakatatanda ang babae at may halong usapin ng pera sa pakikipagrelasyon. Dapat ding banggitin na ang bibingka'y posibleng may seksuwal na pahiwatig dahil nagamit na ito, noon pa man, sa pagtukoy sa ari ng babae.
Marahil, ang pagpili sa bibingka bilang talinghaga ay kaugnay din sa pagtutuon ng nobela sa kuwento ng babaeng lampas na sa edad sisenta, o senior citizen nang matatawag -- tinatasa ang pinagdadaanang negosasyon sa buhay may-asawa, may hamon sa pagpapanatiling gumagana at may halina pa ang pisikal na katawan (dagdag pa ang pagiging breast cancer survivor), nakararamdam pa rin ng pagnanasa, at sa pangkalahatan, ay humaharap sa sariling mga kontradiksiyon bilang babae. Dahil bibihira ang nobelang mula sa ganitong punto de bista, masasabing ang pagsesentro ng kuwento sa ganitong tauhan ay tulad rin ng pagpili sa bibingkang iniluluto pa rin nang may apoy sa ibabaw at ilalim, palaging may hatid na panatag sa lamig ng Disyembre at pagtatapos ng taon.
Batiin po natin si Cymbeline sa kanyang unang nobela at hangarin na marami pa siyang masulat.
*****
Si Dr. Joi Barrios-Leblanc ay guro ng Filipino at Philippine Literature sa University of California-Berkeley.
No comments:
Post a Comment