Monday, October 20, 2025

Review in Filipino: KALAPATINGLEON by EILEEN R. TABIOS, Trans. by DANTON REMOTO

 ANGELA MARIA “BLYTHE” TABIOS Reviews

KalapatingLeon by Eileen R. Tabios, Translated by Danton Remoto

(University of Santo Tomas Publishing House, 2024)

 


BOOK LINK 

 

Sa Pagsapit ng Dilim, Ako’y Naghihintay Pa Rin:

Isang Masusing Pagbabasa ng KalapatingLeon ni Eileen R. Tabios

Na Isinalin sa Filipino ni Danton Remoto


Sinubukan kong basahin ang KalapatingLeon sa kung saan-saan, at sa bawat pagtatangka

ko, mas lalo kong napagtanto na hindi ito librong puwedeng basta-basta ibuklat. Una, sa bus.

Mahaba ang biyahe, kaya’t akala ko makakapagbasa ako nang maayos. Pero habang iniiling ng

kalsada ang mga upuan, napagtanto kong hindi ako makaraos sa iilang linya. Malamang, lalong

hindi ito uubra sa siksikang jeep na may kasabay na ingay ng tambutso at usok ng trapiko.

Minsan, sinubukan kong magbasa habang naglalakad—ala Belle mula sa Beauty and the

Beast—sa pedestrian lane ng Makati. Pwede na, pero hindi pa rin mabisa. Sa tren, ibang eksena

naman: libro sa kaliwa, highlighter sa kanan, at sa tenga ko tumutugtog ang “Himig ng Pag-Ibig”

ni Shanne Dandan. Bagay na bagay ang kanta sa mga nakalapat na linya, lalo na kapag

makulimlim ang langit, bonus kung may paambon. Pero habang nakatitig ako sa pahina, biglang

sumagi sa isip ko ang ideya ng performative reader. Mukha akong pretentious—‘yung tipong

pilit nagmukhang malalim, nagbabasa nang buong drama sa harap ng ibang pasahero.


Kung tutuusin, sinubukan kong gawing travel buddy ang librong ito. Pero sa huli,

malinaw ang aral: ang KalapatingLeon ay hindi nobelang pampalipas-oras. Hindi ito ‘yung

tipong babasahin mo habang naghihintay ng order sa karinderya o nakapila sa LRT. Hindi ito

passive background sa ingay ng lungsod—hinihingi nito ang buong atensyon, ang kabuuan ng

iyong pagninilay. Ganito ang Dovelion: A Fairy Tale for Our Times ni Eileen R. Tabios, na

unang inilathala noong 2021. Inilathala naman ito ng University of Santo Tomas Publishing

House sa wikang Filipino mula sa mahusay na pagsalin ni Danton Remoto bilang

KalapatingLeon: Isang Kuwentong Pambata Para sa Ating Panahon.


Ang nobelang ito ay hindi bastang “once upon a time” na pang-goodnight story. Ito ang

“once upon a time” na gugulantang sa’yo, hihilahin ka palabas ng comfort zone, at iiwan ka ng

tanong: sino ka, at paano ka magpapatuloy sa kabila ng bigat ng nakaraan?


Sa pinakapuso nito, ipinapakita ng nobela na ang kalayaan—pangsarili man o

pambansa—ay nagsisimula sa pagbawi ng mga pagkakakilanlan na pinilit burahin, at sa

matapang na pakikibaka laban sa diktadura at kolonyalismo. Ginagamit nito ang anyo ng isang

fairy tale sa paraan ng pagsisimula ng bawat munting seksyon sa katagang “Noong unang

panahon…” upang ihain ang mga seryosong usapin ng alaala, trauma, politika, at rebolusyon.

Ang wika ng nobela ay parang paggugunita—pinupunit, binubuo muli, at isinasalansan sa

paraang parehong fragmented at ganap, malambot ngunit matalim. Kumikislap ang naratibo

bilang kathang-isip, ngunit tumitimo bilang kasaysayan.


Umiikot ang salaysay kay Elena Theeland, isang makata at ulilang babae na unti-unting

natutuklasan ang kanyang pinagmulan. Sa kanyang paglalakbay, nakilala niya si Ernst Blazer,

isang pintor na may kumplikadong katauhan at kasaysayan. Bumuo sila ng isang relasyong

kakaiba ngunit nakakabighani at magkasama silang humarap sa katiwalian at diktadura sa

bansang tinatawag na Pacifica—na kalaunan ay nabunyag na ang tunay na pangalan ay

KalapatingLeon. Sa huli, natuklasan ni Elena na siya pala ay kabilang sa tribung Itonguk, isang

katutubong pamayanang matagal nang inakalang nabura. Mula rito nagsimula ang kanyang

muling pag-angkin ng sariling identidad—isang pagbabalik at sabay na muling pagsilang bilang

pinuno sa laban para sa kalayaan.


Sa KalapatingLeon, hindi lamang basta tauhan ang babae—ginawa siyang mismong

mapa ng alaala at kasaysayan. Ang gender dito ay hindi palamuti; ito ang katawan na dinudurog

ng trauma ngunit siya ring muling bumabangon upang magsalaysay. Ang sexuality naman ay

inilatag bilang sugat na paulit-ulit binabalikan—masakit, oo, ngunit dito rin nagmumula ang

posibilidad ng paglaya at pag-assert ng sarili. Samantala, ang identidad ay hindi basta ibinibigay,

kundi patuloy na hinahanap—naglalakad sa pagitan ng diktadura, kolonyalismo, at sariling

gunita. Kaya sa kabuuan, kahit nakabalot ito sa anyong fairy tale, nagsisilbi itong salamin ng

kung paanong ginagamit ang panitikan bilang daluyan ng paghahanap ng sarili sa gitna ng

kaguluhan ng kasaysayan.


Sa aking pagsusuri, ilalatag ko kung paanong tinatahi ng KalapatingLeon ang tatlong

pangunahing tema: una, ang kasarian bilang katawan na nagiging larangan ng pag-aari, alaala, at

kontrol; ikalawa, ang sekswalidad bilang espasyo ng parehong sugat at posibilidad ng paglaya; at

ikatlo, ang pagkakakilanlan bilang patuloy na proseso ng pagbawi, pagbuo, at pag-imbento ng

sarili. Sa kabuuan, ipinapakita ng KalapatingLeon na ang pagsasalaysay ay hindi lamang aliwan

o palamuti—ito ay sandata, lunas, at pinakamatinding anyo ng pagliligtas sa kasaysayan at

pagkatao.


Sa purong katotohanan, ang KalapatingLeon ay isang nobelang mahirap ikahon. Hindi

ito simpleng nobelang politikal, hindi rin puro pag-ibig o erotisismo, at lalong hindi lamang

personal na salaysay. Para itong kaleidoscope: bawat pag-ikot ay nag-aalok ng bagong liwanag,

bawat salamin ay nagbubunyag ng pira-pirasong mukha ng kasaysayan, trauma, at pagkatao. Sa

ganitong paraan, binubura ni Tabios ang hangganan ng genre upang ipakita na ang karanasan ng

babae, lalo na sa panahon ng paniniil, ay hindi kailanman maikukulong sa iisang anyo ng

naratibo.


            “Minulto ako nito. Minulto sila. Mahaba ang alingawngaw ng tortyur.” (p.15)


Sa puso ng nobela, malinaw ang ideya na ang alaala ay hindi kailanman inosente. Ang

pag-alala ay isang politikal na akto—isang mapanganib ngunit mapagpalayang paraan ng

pagtutol. Dito, hindi lamang sa mga pahina ng kasaysayan nakatala ang kalupitan ng diktadura;

nakaukit din ito sa mismong laman ng mga tauhan, sa kanilang mga pilat, pangungulila, at takot.

Noong una’y nagtaka ako, bakit tila hindi umaasenso ang naratibo ni Elena. Kailan niya ba

makakapiling si Ernst? Ano ang pumipigil sa kanilang pagtagpo? Kailangan ba talagang

nakatigil ang oras sa bawat pagmumuni-muni ng ating bida? At tsaka ko naunawaan. Ang bawat

paggunita ay hindi lang pagbabalik, kundi muling pagbubuo ng sarili. Sa ganitong pagbubuo,

nagkakaroon ng tinig ang mga nawalang tinig, at sa mismong proseso ng pagsasalaysay—kahit

magulo, hybrid, o fragmentado—ay naroon ang rebolusyon: ang muling pag-angkin ng naratibo

at ng katawan. Ang pagyapak patungo sa paroroonan.


Partikular na makapangyarihan ang representasyon ng katawan ng babae sa

KalapatingLeon. Ito ay parehong espasyo ng karahasan at pinagmumulan ng kapangyarihan.

Bilang biktima, ang katawan ay ginagawang instrumento ng kontrol—sinusubaybayan,

sinasaktan, pinapatahimik. Ngunit sa muling pag-angkin ng sarili, ng kasarian, at ng pagnanasa,

nagiging sandata ito ng paglaya. Sa nobelang ito, ang pagnanasa ay hindi kababawan; ito ay

paraan ng pagbawi ng ahensya. Maging ang sakit ng katawan ay nagiging tanda ng patuloy na

pag-iral—isang pisikal na paalala na kahit wasak, buhay pa rin, at handang lumaban.


            Ika-18 ng Hunyo. Noong unang panahon, pumayag akong mahulog sa mga

kamay ng isang dayo. Ipinakikita rito ang naaabot ng malupit na diktador—kung paanong

ang isang diktaturya’y puwede pang magpatuloy kahit matagal na itong natapos sa

pamamagitan ng mahigpit na pagkuyom ng pagkatapos.” (p. 6)


Sa usapin ng pagkakakilanlan, walang simpleng linya o kategoriya. Ang tauhan ay

palaging nasa pagitan—isang babae ngunit binabasag ang patriyarkal na imahe, isang nilalang ng

diaspora ngunit patuloy na hinahatak ng ugat, isang indibidwal ngunit dala ang bigat ng

kolektibong kasaysayan. Sa ganitong ambigwidad nakaugat ang ganda ng nobela: ipinapakita

nitong ang pagkatao ay hindi matibay na larawan kundi isang proseso.


            “Hinati nila ang mga tao at, dahil dito, nag-imbento sila ng bagong pangalan na

idaragdag sa ‘Mga Kalapati’ at ‘Mga Leon.’ Isang pangalan na tatawagin ng magkabilang

panig sa isa’t isa.” (p.132)


Sa unang basa, madaling sabihing KalapatingLeon ay isa lamang malikhaing pagsasanib

ng alaala, diaspora, at eksperimento sa anyo. Pero kung titingnan mula sa lente ng feministang

pagbasa, kitang-kita na ang aklat na ito ay hindi lamang tumutula tungkol sa babae kundi

nakikipagbuno rin sa mismong estruktura ng patriyarkiya at ng kolonyal na paningin na

pumipinsala sa boses ng kababaihan. Ang mismong pamagat pa lang—Kalapating León—ay

isang matapang na juxtaposition: ang “kalapati,” madalas ikabit sa imahe ng babae bilang

maamo at tahimik, at ang “león,” tanda ng tapang at bagsik, na stereotypically ay inilalarawan

bilang lalake. Ang paglalapat ng dalawang imaheng ito ay hindi lang poetikong laro; ito ay

feministang deklarasyon na ang kababaihan ay kayang maglaman ng parehong katahimikan at

bagsik, parehong inang nag-aaruga at mandirigmang bumabangga.


Dito nagiging radikal ang panitikan ni Tabios. Hindi siya kumakapit sa realismong tuwid

at tuon. Sa halip, ginagamit niya ang mito, alamat, at simbolismo bilang paraan ng pag-ungkat sa

kasaysayan. Ang kalapati at leon—dalawang hayop na tila magkasalungat—ay nagiging

metapora ng kabuuang karanasan: kapayapaan at lakas, kahinaan at tapang, pagdurusa at

paglaya. Ang mitolohiya rito ay hindi pagtakas mula sa katotohanan, kundi isang paraan ng

paglikha ng bagong lente upang mas malinaw na makita ang totoo. Sa ganitong timpla ng mito at

alaala, niyayanig ni Tabios ang ating pagkaunawa sa kasaysayan at ipinapaalala: minsan,

kailangang maging makata upang mas maging tapat sa realidad.


Sa teknikal na aspeto, feministang radikal ang naratibong isinulat ni Tabios: hindi siya

natatakot na masira ang porma. Ang mga fragmentaryong talata, ang hybrid na pagsasanib ng

tula, tala, at ensayo, ay maaari ring basahin bilang feministang gestura laban sa linear at lohikal

na pormat ng kanluraning patriyarkal na pagsusulat. Sa halip na sumunod sa isang “malinis” na

daloy, pinipili niyang maglatag ng diskurso na parang katawan ng babae—hindi palaging tuwid,

hindi palaging kontrolado, pero laging makapangyarihan.


Hindi rin nakakalimot ang KalapatingLeon na ang bawat pakikibaka ay mas tumitindi

kapag may kasamang puso. Pero hindi ito idealistikong pag-ibig na kay tamis sa salita. Dito, ang

pag-ibig ay mapanganib, nakakapaso, minsan ay nakakadena. Gayunman, ito rin ang

pinagmumulan ng lakas: ang dahilan kung bakit patuloy na lumalaban ang mga tauhan kahit

harap-harapan ang kawalan ng pag-asa.


            “Gusto nilang wasakin ko sila. Pero, minsan, ako ang nawasak.” (p.17)


Erotically charged ang nobelang ito—ngunit hindi sa paraang pang-akit o panandaliang

aliw. Ang erotisismo ni Tabios ay hindi palamuti, kundi salamin. Sa pamamagitan ng katawan ni

Elena Theeland, isang ulilang imigrante mula Pacifica, inilalantad kung paano ang kasaysayan

ng diktadura at kolonyalismo ay hindi lang nagmarka sa lipunan kundi pati sa laman, sa balat, sa

mismong paraan ng pagnanasa ng babae. Pansinin ang emphasis sa pagkakakilanlan ng bida.

Tila’y swak na swak sa kwento. Paulit-ulit siyang biktima ng patriyarka, diktaturya, at

kolonyalismo.


Bukod pa, ang kanyang paulit-ulit na pagpasok sa dominasyon at submission encounters

ay hindi fetish kundi paraan ng katawan na maglabas ng lihim—isang pisikal na paggunita sa

mga sugat ng kasaysayan. Sa ganitong pagbasa, ang erotisismo ay nagiging archive ng trauma at

kalayaan, isang wikang ginagamit ng katawan para ipahayag ang hindi masabi ng bibig.


            “Inisip niya, Ano ang mangyayari sa akin, Ernst, ngayong pinili ko nang makilala

ka? At diyan ko na sinabi ang talaga namang halata: Sa ngayon, magkikita lamang tayo.

Magkunwari tayong may espasyo tayo para magdesisyong huwag magkita.” (p.42)


Sa kanyang relasyon kay Ernst, isang nonbinary lover, higit pang hinahamon ng nobela

ang hangganan ng kasarian at ang tradisyonal na konsepto ng pag-ibig. Hindi lamang ito

kuwento ng dalawang taong nagmamahalan; ito’y kuwento ng dalawang kasaysayang dating

magkaaway, ngayon ay nagtuturo ng kapatawaran, pag-unawa, at muling pagtatahi ng pagkatao.

Sa ganitong ugnayan, ang queer love ay nagiging rebolusyonaryong espasyo—isang pagsubok

kung paano maaaring umiral ang bagong mundo kung saan walang hangganan ang kasarian, at

ang pagmamahal mismo ang pinakamatapang na anyo ng paglaban.


Ang relasyong BDSM nina Elena at Ernst sa Kalapatingleon ay isa sa pinakamatalim

ngunit pinakanakamamanghang bahagi ng nobela dahil sa kung paano ginagamit ni Tabios ang

erotika bilang metapora ng kapangyarihan, kasaysayan, at pagbawi ng katawan. Sa unang tingin,

tila ito’y kwento lamang ng dominasyon at submission, ngunit sa mas malalim na pagbasa,

makikita na ang dinamika nilang dalawa ay sumasalamin sa malalim na sugat ng diktadura,

kolonyalismo, at gendered oppression.


            “O minsa’y hinahawakan ko sila para masiguradong nariyan nga talaga sila,

nakatayo malapit sa akin at nakikipagpalitan ng hininga.” (p.8)


Para sa dalawa, ang akto ng submission ay hindi kahinaan; ito ay ritwal ng muling

pag-angkin. Ang pagpapasailalim ni Elena ay hindi pagsuko kundi pagsubok—isang paraan ng

pagtuklas kung hanggang saan niya kayang ibigay ang kontrol, at kung paanong sa mismong

pagbibigay na iyon, nakakamit niya ang kakaibang anyo ng kalayaan. Sa isang lipunang matagal

nang nagdikta kung ano ang dapat maging ideal na babae, nagiging rebolusyonaryo ang kanyang

pagnanasa: tinatanggap niya ito, ginagalugad, at ginagawang wika ng katawan ang hindi kayang

sabihin ng dila.


Si Ernst, bilang nonbinary, ay nagsisilbing salamin ng posibilidad—isang pag-ibig na

hindi nakakahon sa gender o moralidad. Sa kanilang relasyong puno ng tiwala, takot, at

pagnanais, pinupunit ni Tabios ang ideya ng “normal” na intimacy. Sa halip, ipinapakita niya na

ang tunay na intimacy ay nakabatay sa tiwala, hindi sa hierarchy ng kasarian o kapangyarihan.


Kung iisipin, ang BDSM sa nobela ay hindi lang pisikal na akto, kundi metapora ng

kasaysayan ng bansa. Tulad ng katawan ni Elena, ang Pilipinas ay matagal ding inangkin,

sinakop, pinatahimik. Ngunit sa muling pagkilala sa sarili—sa pagharap sa sakit at

pagnanais—nagiging posible ang pagbawi. Sa ganitong pagbasa, si Elena ay hindi lamang babae

sa ilalim ng kapangyarihan ng minamahal; siya ay bansa sa proseso ng pag-ahon, ginagawang

erotika ang kasaysayan upang muling sulatin ito mula sa loob ng katawan.


            “Noong unang panahon, lumapit ka sa isang abuhing gusali kung saan ako

naghihintay sa iyo. Habambuhay na akong naghihintay, Elena, naisip ko habang

pinanonood kita mula sa bintana sa ikatlong palapag. Naghintay na nga ako sa

Kapwa-oras kung saan walang konsepto ng paghihintay.” (p.93)


Si Elena ay laging nasa pagitan—hindi kailanman buo, ngunit palaging nagtatangkang

mabuo. Dito, naisip ko ang Japanese art ng Kintsugi kung saan mas napapaganda ang isang

bagay dahil sa pagkawasak at muling pagbuo nito. Kay Elena, ang identidad ay hindi matatag

kundi gumagalaw: nasa gitna ng personal na sugat at pambansang kasaysayan, ng pagiging babae

at ng pag-iral lampas sa mga kahon ng gender. Sa paggamit ni Tabios ng kapwa-time—isang

mitikong lente kung saan sabay-sabay nagkakasalubong ang nakaraan, kasalukuyan, at

hinaharap—pinapakita niyang ang pagkatao ay hindi produkto, kundi proseso: patuloy na

pagbabago, patuloy na paglikha.


Maging ang anyo ng nobela ay patunay ng paglaban. Bawat seksyon ay nagsisimula sa

“Once upon a time,” na tila paanyaya sa isang engkanto o fairytale—ngunit ang kuwentong ito

ay hindi tungkol sa prinsesa at kastilyo, kundi sa diktadura, kolonyalismo, at dugo. Sa hybrid na

estilo ni Tabios, pinag durugtong niya ang tula, mito, alamat, kasaysayan, kritika, at

imahinasyon. Ang ganitong anyo ay isang pahayag: na ang panitikan ay hindi lamang paraan ng

pagsasalaysay, kundi isang sandata laban sa pagkalimot. Sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga

anyo, binubuo ni Tabios ang isang alternatibong kasaysayan—isang mito ng katotohanan, kung

saan ang paglikha mismo ay anyo ng paglaya.


            “Hindi maaaring magkaroon ng sining nang walang konteksto. Pero ang kadalasang

gumgawa ng sining ay ang pagkakaputol-putol ng mga nabuong (mga) konteksto. Mahal na

Elena, inisip ni Ernst, puputulin ba natin ang konteksto na gustong isiil sa atin ng isang

diktdor?” (p.61)


Sa huli, ang relasyon nina Elena at Ernst ay isang eksperimento sa paghilom—hindi

marangal, hindi komportable, ngunit totoo. Sa pagitan ng pighati at pagnanasa, ng kontrol at

pagbitaw, ipinapakita ni Tabios na may lakas sa pagharap sa sariling sugat. Ang katawan, kahit

puno ng marka, ay hindi kailanman purong biktima—ito rin ay alaala, instrumento, at saksi sa

sariling pagbawi ng kapangyarihan. Naratibo na nakasiksik sa marami pang leyenda’t naratibo.


Kaya, isa sa pinakamalaking ambag ng KalapatingLeon ay ang matatag nitong

paniniwala na ang panitikan ay espasyo ng pagkilos. Sa loob ng wika, maaari tayong maghilom;

sa loob ng pagsulat, maaari nating buuin muli ang pagkatao; at sa mismong akto ng paglikha,

maaari nating itaas ang bandila ng paglaban—kahit tahimik, kahit personal, kahit tila maliit.

Sapagkat sa bawat tula, sa bawat pahina, at sa bawat pagbigkas ng alaala, naninirahan ang

rebolusyon.


Ngayon naman, kung si Elena ang puso ng nobela, si Ernst naman ang salamin—hindi

lang ng kanyang pag-ibig kundi ng pagbabagong hinahanap niya sa sarili at sa bayan. Madaling

gawing simpleng love story ito: babae, lalaki, romansa. Pero hindi iyon ginawa ni Tabios. Sa

halip, ginamit niya ang isang trans nonbinary character bilang sentro ng naratibo—isang political

at poetic statement na bumabali sa inaasahang anyo ng pag-ibig at identidad.


Ang pagiging trans ni Ernst ay anyo ng paglaya—pagtakas sa dikta ng lipunan at

kolonyalismo kung paano “dapat” magpakatao. Tulad ng bansang pinilit lagyan ng hangganan ng

mga kolonyal na kapangyarihan, nilalagyan din ng hangganan ang kasarian: lalaki o babae,

walang gitna. Ngunit si Ernst ay ebidensyang may pagitan, may sariling espasyo. Sa ganitong

paraan, ang relasyon nila ni Elena ay nagiging pagtalon mula sa opresibong binary tungo sa mas

malaya at mas masalimuot na posibilidad ng pagmamahal.


Ang pagiging trans ni Ernst ay repleksyon din ng anyo ng nobela mismo—hindi linear,

paulit-ulit ang “Once upon a time,” laging nasa transisyon. Tulad ng katawan ni Ernst na hindi

maikahon, ang akda ni Tabios ay tumatangging makulong sa genre: hindi lang nobela, hindi lang

tula, hindi lang kasaysayan, kundi lahat nang sabay-sabay. Ang porma ay transgressive,

lumalaban sa tradisyunal na balangkas ng pagsasalaysay tulad ng katawan ni Ernst na lumalaban

sa binary.


Kalakip nito, feminista ang pagbasa dahil binabasag nito ang patriyarkal na pagtingin sa

babae bilang biktima, at trans dahil hinahamon nito ang binary system—hindi lang sa kasarian

kundi pati sa kasaysayan, sa wika, at sa mismong anyo ng nobela. Sa huli, ang relasyon nina

Elena at Ernst ay hindi lang romansa, kundi isang rebolusyon ng katawan, ng pagkakakilanlan, at

ng pinagmulan.


Bilang mambabasa, hinahamon tayo ng relasyong ito: paano umibig kung ang kasarian

ay hindi sumusunod sa tradisyunal na template? Sa tanong na ito lumilitaw ang ganda ng

nobela—pinipilit tayong iwan ang comfort zone at tanggapin na ang pag-ibig, gaya ng kasarian,

ay fluid, kumplikado, at walang iisang anyo.


Mahusay rin ng tono at pacing nina Tabios at Remoto—perfect duo—matalim pero

maramdamin, malalim pero may halong biro at banayad na lambing. May mga sandaling

mapapahinto ka’t mapapaisip: “Puwede palang maging ganito ka-playful at experimental ang

nobelang tumatalakay sa bigat ng diktadura?” Hindi ito yaong tipikal na “historical novel” na

tuwid at kronolohikal; sa halip, para itong patchwork quilt—pinagtagpi-tagping dokumento,

alaala, panaginip, at tula, lahat nakatahi sa tinig ng isang babaeng patuloy na naghahanap kung

sino siya sa gitna ng kasaysayan, patriyarka, at pagkaligaw. Sa bawat pahina, dama mo ang

paglalaban ng talino at damdamin, ng logic at lirismo—isang matinding balanse na bihirang

makamit.


Karapat-dapat lang na isalin ang nobelang ito sa Filipino. Ganitong uri ng literatura ang

dapat pang ipagyabong at ipagmalaki ng bansa. Ang nagawang pagsalin din ay nagbibigay ng

karagdagang konteksto sa mundong ginagalawan hindi lamang sa loob ng akda ngunit sa labas

nito. Ang mga katotohanang nakatahi sa pagitan ng libro’t tunay na buhay.


Kamangha-mangha kung paano ginamit ni Danton Remoto ang wikang Filipino sa

KalapatingLeon, lalo na sa paraan ng kaniyang pagsasalin ng mga panghalip na may kinalaman

sa kasarian. Ang wikang Filipino, sa likas na katangian nito, ay gender-neutral. Wala itong

binaryong katumbas ng “he” o “she”—ang mga panghalip na ginagamit natin gaya ng siya,

kaniya, sila, atin, at akin ay nakabatay sa dami, hindi sa kasarian. Kaya’t sa atin, likas na natural

na ang parehong salita ay maaaring tumukoy sa babae o lalaki. Hanggang ngayon, marami pa

ring Pilipino sa bansa ang tumatanggi sa paggamit ng terminong “Filipinx,” sapagkat para sa

kanila, sapat na at inklusibo na ang “Filipino” bilang katawagan. Sa ganitong paraan, matagal

nang taglay ng ating wika ang likas na pagkalikido o fluidity na hirap pang maabot ng wikang

Ingles.


Ang talagang nakatawag-pansin sa akin ay kung paano ginamit ni Remoto ang mga

panghalip na maramihan tulad ng sila at nila upang tukuyin si Ernst, imbes na ang karaniwang

siya o niya. Noong una, medyo nagtaka ako. Naitanong ko pa nga sa ilang kaibigang queer kung

tama bang ituring itong pagsasalin ng they/them o kung may ibang dahilan. Ngunit habang

pinag-iisipan ko, napagtanto kong may mas malalim na intensyon si Remoto. Ang paggamit ng

maramihan ay hindi lamang paraan upang kilalanin ang di-binaryong identidad ni Ernst; ito rin

ay simbolikong representasyon ng kasaysayan at kolektibong alaala.


Sa mas malalim na pagbasa, ang sila ay hindi lamang tumutukoy kay Ernst bilang

indibidwal, kundi bilang sagisag ng marami—ng mga taong nawala, ng mga tinig na

pinatahimik, ng mga alaala ng bansa na patuloy pa ring binabalikan. Si Ernst, sa ganitong

pagtingin, ay hindi lang isang tao; sila ang kasaysayan mismo, ang kabuuan ng mga multo’t

gunita na kinakaharap ni Elena at ng mga mambabasang Pilipino. Sa paggamit ng sila, ginawang

kolektibo ni Remoto ang identidad—isang pag-amin na ang pagkatao ay hindi kailanman

nag-iisa. Ang panghalip ay nagiging anyo ng paglaya: isang wika ng pag-angkin, na nagsasabing

ang “ako” ay laging binubuo ng “marami.”


Maigi rin na tandaan na sa nobela, ang pagsulat ay nagiging paraan ng pag-angkin ng

pag-iral. Ang narasyon ay isang uri ng pag-aaklas. Kaya’t habang binabasa natin si Elena, hindi

lang siya karakter—isa siyang representasyon ng kababaihang bumabawi ng tinig, ng mga

babaeng ginamit at pinatahimik, ngunit ngayon ay muling sumusulat upang muling mabuhay.


Kung tutuusin, ang anyo mismo ng nobela ay isang performance ng identity.

Fragmented, nonlinear, minsan magulo—pero ganoon din naman ang proseso ng pagkatao, hindi

ba? Ang gender at identity ay hindi linya kundi labyrinth: paikot, nagbabago, minsang magulo

pero may sariling lohika ng pag-iral. Sa estilong ito, ipinapakita ni Tabios na ang porma ng

panitikan ay maaaring maging salamin ng proseso ng pagbuo ng sarili. Hindi kailangang buo

para maging totoo, at hindi kailangang tuwid para maging makabuluhan. Sa bawat puwang, sa

bawat sirang bahagi, naroon ang puwersa ng pagiging tao—magulo, maganda, at patuloy na

lumalaban.


Ang KalapatingLeon ay hindi lamang aklat na dapat basahin ng mga nasa diaspora, kundi

dapat ding yakapin bilang feministang manifestong pampanitikan. Ang wika, katawan, at

kasarian ay hindi na hiwalay na larangan dito. Sa halip, ang bawat talata, bawat imahen, ay

nagiging pagkakataon para muling isulat ang ating mga sarili—hindi bilang mga pasibong

“kalapati,” kundi bilang mga leong handang umatungal laban sa lumang sistema.


Ngayon, babalikan ko ang kantang nabanggit sa introduksyon. Kung i-uugnay sa

Kalapatingleon sa isang kanta, ang “Himig ng Pag-Ibig” ni Shanne Dandan ay tila nagiging

tugtugin ng muling pagkabuhay ni Elena—isang paalala na kahit ang pag-ibig na sugatan ay may

kakayahang. Para sa akin, huling huli ng kanta ang naging pagsalin ni Remoto. Malumanay,

gloomy, may intriga. Ang paglatag ng mga salita ay pira-piraso ng isang malaking puzzle. Hindi

alam kung ano nga ba ang susunod na magaganap ngunit hindi mo maiwasang magmuni-muni.

Swak na swak. At bagay sa maulang panahon.


Sa awitin, ang “pagsapit ng dilim” ay sumisimbolo sa mga taon ng diktadura at kolonyal

na anino na bumalot sa katawan at alaala ni Elena. Gayunpaman, tulad ng liriko, “Ako’y

naghihintay pa rin sa iyong maagang pagdating,” naroon pa rin ang pananabik—hindi lamang

sa minamahal, kundi sa pagbabalik ng pag-asa at pagkakakilanlan. Ang “tulad ng ibong malaya

ang pag-ibig natin” ay maaaring basahin bilang metapora ng queer love nina Elena at

Ernst—isang uri ng pag-ibig na lumalampas sa hangganan ng kasarian, kasinglawak ng langit na

tinutukoy ng kanta. Sa bawat “tibok ng puso’y kay sarap damhin,” naroon ang pulso ng paglaya:

ang katawan na minsang naging saksi sa karahasan, ngayo’y tumutugon muli sa ritmo ng

pag-ibig at paghilom. Sa dulo, gaya ng kanta, ipinapakita ng Kalapatingleon na ang

pag-ibig—anumang anyo nito: para sa sarili, pamilya, kaibigan, nasyon, mundo, o kung ano

pa—ang patuloy na ilaw sa buhay natin: hindi perpekto, hindi tahimik, pero palaging

nagbibigay-linaw sa gitna ng dilim.


Sa makatuwid, hindi talaga commute-friendly ang KalapatingLeon. Hindi siya nobelang

para sa lumilipad ang isip; ito ay nobelang humihiling ng lubos na pananatili. Pero doon siya

namumukod-tangi. Hindi siya dinisenyo para palipasin ang oras, kundi para patigilin ka. Hinihila

ka niya palabas sa lahat ng pag-aabala ng mundo at itinatapon ka sa sariling kailaliman. Ang

bawat pahina ay parang piraso ng basag na salamin: matalim, pero kailangang pulutin para

mabuo ang kabuuang larawan ng kasaysayan, kaguluhan, at katiwasayan. At sa pagpupulot na

iyon, ikaw mismo ay nadadamay—hindi bilang pasibong mambabasa, kundi bilang kasabwat na

humuhugot ng kahulugan mula sa kalat ng nakaraan.


Ang estilo at tonong ginamit ni Eileen Tabios ay sadyang mapangahas. Hindi siya

natatakot gumamit ng putol-putol na naratibo, nakakagulong pagkakasunod ng mga pangyayari,

halo-halong anyo, at matitinding imahen para iparamdam na ang kasaysayan at identidad ay

hindi kailanman linear. Ang teknik niya, parang collage—pinagtagpi ang personal na alaala,

pambansang sugat, at mitolohiya ng katawan. Dito nagiging buhay ang interseksyon ng kasarian,

sekswalidad, at pagkakakilanlan: ang babae’y hindi lang tauhan kundi mismong daluyan ng

15alaala, ang sekswalidad ay hindi lang kasayahan kundi sugat na kailangang gamutin, at ang

pagkakakilanla’y hindi lang ukol sa natatanging ngalan kundi ukol sa pakikipaglaban upang

makilala ang sarili.



Kung babasahin, para kang nakikipag-usap sa nobela na parehong guro at kaibigan:

minsan malumanay, minsan matalim, minsan parang sermon, minsan parang tula. Bonus na

maraming quotable quotes. At lahat ng iyon, iisa lang ang hinihingi: ang seryosohin siya.

Sulit siya. Sulit dahil pagkatapos mo siyang basahin, hindi lang kwento ni Elena ang dala

mo, kundi ang mas malalim na pag-unawa kung paano hinuhubog ng kasaysayan, kasarian, at

panitikan ang ating pagkatao. Tila’y paalala na ang pagsusulat ng kababaihan at ng mga mula sa

marginalized community ay hindi lang akto ng pagpapahayag, kundi akto ng pagliligtas—sa

sarili, sa alaala, at sa bayan.


Kaya nga sa huli, masasabi ko na KalapatingLeon ay isang aklat na guguluhin ka muna

bago ka tuluyang payapain. Isa siyang pagsasanay ng isip at damdamin. At higit sa lahat, isa

siyang paalala na ang pagsusulat—lalo na ang pagsusulat ng kababaihan—ay hindi lang paglikha

ng kwento kundi pagbawi ng kasaysayan, katawan, at tinig.


Uulitin ko, ang librong KalapatingLeon ay hindi isang travel buddy. Pero kung gusto

mong magkaroon ng kasamang libro na kayang ipagpag ang alikabok ng nakaraan at ituro sa’yo

ang daan patungo sa sarili, tiyak na siya iyon.




*****

 

Angela Maria Tabios, also known as Blythe, is a senior Creative Writing major at the University of Santo Tomas in España, Manila, Philippines. As an essayist and playwright, she writes across multiple forms, including short stories, poems, essays, plays, and film scripts, with a particular focus on feminist writing and the intersectionality of gender, memory, trauma, and sexuality. Her work has garnered recognition for its depth and insight, including 3rd Place for One-Act Play, Choke, at the 40th Gawad Ustetika (2025), and publication in Dapitan 2023: Panopticon by the UST Flame, where her speculative fiction short story, The Song of the Tides, was featured.

            A passionate spoken word and performance artist, Blythe has performed at various UST events since 2023, bringing her feminist and socially conscious narratives to life. She recently authored her essay “In the Wake of Dark, Here You Are: Reflections on KalapatingLeon by Eileen R. Tabios, Translated by Danton Remoto,” and its Filipino counterpart, “Sa Pagsapit ng Dilim, Ako’y Naghihintay Pa Rin: Isang Masusing Pagbabasa ng KalapatingLeon ni Eileen R. Tabios, Na Isinalin sa Filipino ni Danton Remoto." Written for her Gender and Writing class, these in-depth analyses examine the novel’s engagement with gender, tracing how its narratives and literary strategies intersect with memory, trauma, and sexuality. Blythe’s engagement with the concept of translation and the intricate dynamics of language prompted her to compose her analysis in both English and Filipino, thereby illuminating the subtle nuances and interpretive possibilities that emerge across linguistic contexts.

Currently, Blythe is developing her senior thesis, a medical thriller limited series, blending suspense with critical explorations of human and societal dynamics. Her work consistently bridges literary craft and performative storytelling, championing nuanced perspectives on gender, power, and identity.

 

 





No comments:

Post a Comment