ANGELA MARIA “BLYTHE” TABIOS Reviews
KalapatingLeon by Eileen R. Tabios, Translated by Danton Remoto
(University of Santo Tomas Publishing House, 2024)
Sa Pagsapit ng Dilim, Ako’y Naghihintay Pa Rin:
Isang Masusing Pagbabasa ng KalapatingLeon ni Eileen R. Tabios
Na Isinalin sa Filipino ni Danton Remoto
Sinubukan kong basahin ang KalapatingLeon sa kung saan-saan, at sa bawat pagtatangka
ko, mas lalo kong napagtanto na hindi ito librong puwedeng basta-basta ibuklat. Una, sa bus.
Mahaba ang biyahe, kaya’t akala ko makakapagbasa ako nang maayos. Pero habang iniiling ng
kalsada ang mga upuan, napagtanto kong hindi ako makaraos sa iilang linya. Malamang, lalong
hindi ito uubra sa siksikang jeep na may kasabay na ingay ng tambutso at usok ng trapiko.
Minsan, sinubukan kong magbasa habang naglalakad—ala Belle mula sa Beauty and the
Beast—sa pedestrian lane ng Makati. Pwede na, pero hindi pa rin mabisa. Sa tren, ibang eksena
naman: libro sa kaliwa, highlighter sa kanan, at sa tenga ko tumutugtog ang “Himig ng Pag-Ibig”
ni Shanne Dandan. Bagay na bagay ang kanta sa mga nakalapat na linya, lalo na kapag
makulimlim ang langit, bonus kung may paambon. Pero habang nakatitig ako sa pahina, biglang
sumagi sa isip ko ang ideya ng performative reader. Mukha akong pretentious—‘yung tipong
pilit nagmukhang malalim, nagbabasa nang buong drama sa harap ng ibang pasahero.
Kung tutuusin, sinubukan kong gawing travel buddy ang librong ito. Pero sa huli,
malinaw ang aral: ang KalapatingLeon ay hindi nobelang pampalipas-oras. Hindi ito ‘yung
tipong babasahin mo habang naghihintay ng order sa karinderya o nakapila sa LRT. Hindi ito
passive background sa ingay ng lungsod—hinihingi nito ang buong atensyon, ang kabuuan ng
iyong pagninilay. Ganito ang Dovelion: A Fairy Tale for Our Times ni Eileen R. Tabios, na
unang inilathala noong 2021. Inilathala naman ito ng University of Santo Tomas Publishing
House sa wikang Filipino mula sa mahusay na pagsalin ni Danton Remoto bilang
KalapatingLeon: Isang Kuwentong Pambata Para sa Ating Panahon.
Ang nobelang ito ay hindi bastang “once upon a time” na pang-goodnight story. Ito ang
“once upon a time” na gugulantang sa’yo, hihilahin ka palabas ng comfort zone, at iiwan ka ng
tanong: sino ka, at paano ka magpapatuloy sa kabila ng bigat ng nakaraan?
Sa pinakapuso nito, ipinapakita ng nobela na ang kalayaan—pangsarili man o
pambansa—ay nagsisimula sa pagbawi ng mga pagkakakilanlan na pinilit burahin, at sa
matapang na pakikibaka laban sa diktadura at kolonyalismo. Ginagamit nito ang anyo ng isang
fairy tale sa paraan ng pagsisimula ng bawat munting seksyon sa katagang “Noong unang
panahon…” upang ihain ang mga seryosong usapin ng alaala, trauma, politika, at rebolusyon.
Ang wika ng nobela ay parang paggugunita—pinupunit, binubuo muli, at isinasalansan sa
paraang parehong fragmented at ganap, malambot ngunit matalim. Kumikislap ang naratibo
bilang kathang-isip, ngunit tumitimo bilang kasaysayan.
Umiikot ang salaysay kay Elena Theeland, isang makata at ulilang babae na unti-unting
natutuklasan ang kanyang pinagmulan. Sa kanyang paglalakbay, nakilala niya si Ernst Blazer,
isang pintor na may kumplikadong katauhan at kasaysayan. Bumuo sila ng isang relasyong
kakaiba ngunit nakakabighani at magkasama silang humarap sa katiwalian at diktadura sa
bansang tinatawag na Pacifica—na kalaunan ay nabunyag na ang tunay na pangalan ay
KalapatingLeon. Sa huli, natuklasan ni Elena na siya pala ay kabilang sa tribung Itonguk, isang
katutubong pamayanang matagal nang inakalang nabura. Mula rito nagsimula ang kanyang
muling pag-angkin ng sariling identidad—isang pagbabalik at sabay na muling pagsilang bilang
pinuno sa laban para sa kalayaan.
Sa KalapatingLeon, hindi lamang basta tauhan ang babae—ginawa siyang mismong
mapa ng alaala at kasaysayan. Ang gender dito ay hindi palamuti; ito ang katawan na dinudurog
ng trauma ngunit siya ring muling bumabangon upang magsalaysay. Ang sexuality naman ay
inilatag bilang sugat na paulit-ulit binabalikan—masakit, oo, ngunit dito rin nagmumula ang
posibilidad ng paglaya at pag-assert ng sarili. Samantala, ang identidad ay hindi basta ibinibigay,
kundi patuloy na hinahanap—naglalakad sa pagitan ng diktadura, kolonyalismo, at sariling
gunita. Kaya sa kabuuan, kahit nakabalot ito sa anyong fairy tale, nagsisilbi itong salamin ng
kung paanong ginagamit ang panitikan bilang daluyan ng paghahanap ng sarili sa gitna ng
kaguluhan ng kasaysayan.
Sa aking pagsusuri, ilalatag ko kung paanong tinatahi ng KalapatingLeon ang tatlong
pangunahing tema: una, ang kasarian bilang katawan na nagiging larangan ng pag-aari, alaala, at
kontrol; ikalawa, ang sekswalidad bilang espasyo ng parehong sugat at posibilidad ng paglaya; at
ikatlo, ang pagkakakilanlan bilang patuloy na proseso ng pagbawi, pagbuo, at pag-imbento ng
sarili. Sa kabuuan, ipinapakita ng KalapatingLeon na ang pagsasalaysay ay hindi lamang aliwan
o palamuti—ito ay sandata, lunas, at pinakamatinding anyo ng pagliligtas sa kasaysayan at
pagkatao.
Sa purong katotohanan, ang KalapatingLeon ay isang nobelang mahirap ikahon. Hindi
ito simpleng nobelang politikal, hindi rin puro pag-ibig o erotisismo, at lalong hindi lamang
personal na salaysay. Para itong kaleidoscope: bawat pag-ikot ay nag-aalok ng bagong liwanag,
bawat salamin ay nagbubunyag ng pira-pirasong mukha ng kasaysayan, trauma, at pagkatao. Sa
ganitong paraan, binubura ni Tabios ang hangganan ng genre upang ipakita na ang karanasan ng
babae, lalo na sa panahon ng paniniil, ay hindi kailanman maikukulong sa iisang anyo ng
naratibo.
“Minulto ako nito. Minulto sila. Mahaba ang alingawngaw ng tortyur.” (p.15)
Sa puso ng nobela, malinaw ang ideya na ang alaala ay hindi kailanman inosente. Ang
pag-alala ay isang politikal na akto—isang mapanganib ngunit mapagpalayang paraan ng
pagtutol. Dito, hindi lamang sa mga pahina ng kasaysayan nakatala ang kalupitan ng diktadura;
nakaukit din ito sa mismong laman ng mga tauhan, sa kanilang mga pilat, pangungulila, at takot.
Noong una’y nagtaka ako, bakit tila hindi umaasenso ang naratibo ni Elena. Kailan niya ba
makakapiling si Ernst? Ano ang pumipigil sa kanilang pagtagpo? Kailangan ba talagang
nakatigil ang oras sa bawat pagmumuni-muni ng ating bida? At tsaka ko naunawaan. Ang bawat
paggunita ay hindi lang pagbabalik, kundi muling pagbubuo ng sarili. Sa ganitong pagbubuo,
nagkakaroon ng tinig ang mga nawalang tinig, at sa mismong proseso ng pagsasalaysay—kahit
magulo, hybrid, o fragmentado—ay naroon ang rebolusyon: ang muling pag-angkin ng naratibo
at ng katawan. Ang pagyapak patungo sa paroroonan.
Partikular na makapangyarihan ang representasyon ng katawan ng babae sa
KalapatingLeon. Ito ay parehong espasyo ng karahasan at pinagmumulan ng kapangyarihan.
Bilang biktima, ang katawan ay ginagawang instrumento ng kontrol—sinusubaybayan,
sinasaktan, pinapatahimik. Ngunit sa muling pag-angkin ng sarili, ng kasarian, at ng pagnanasa,
nagiging sandata ito ng paglaya. Sa nobelang ito, ang pagnanasa ay hindi kababawan; ito ay
paraan ng pagbawi ng ahensya. Maging ang sakit ng katawan ay nagiging tanda ng patuloy na
pag-iral—isang pisikal na paalala na kahit wasak, buhay pa rin, at handang lumaban.
“Ika-18 ng Hunyo. Noong unang panahon, pumayag akong mahulog sa mga
kamay ng isang dayo. Ipinakikita rito ang naaabot ng malupit na diktador—kung paanong
ang isang diktaturya’y puwede pang magpatuloy kahit matagal na itong natapos sa
pamamagitan ng mahigpit na pagkuyom ng pagkatapos.” (p. 6)
Sa usapin ng pagkakakilanlan, walang simpleng linya o kategoriya. Ang tauhan ay
palaging nasa pagitan—isang babae ngunit binabasag ang patriyarkal na imahe, isang nilalang ng
diaspora ngunit patuloy na hinahatak ng ugat, isang indibidwal ngunit dala ang bigat ng
kolektibong kasaysayan. Sa ganitong ambigwidad nakaugat ang ganda ng nobela: ipinapakita
nitong ang pagkatao ay hindi matibay na larawan kundi isang proseso.
“Hinati nila ang mga tao at, dahil dito, nag-imbento sila ng bagong pangalan na
idaragdag sa ‘Mga Kalapati’ at ‘Mga Leon.’ Isang pangalan na tatawagin ng magkabilang
panig sa isa’t isa.” (p.132)
Sa unang basa, madaling sabihing KalapatingLeon ay isa lamang malikhaing pagsasanib
ng alaala, diaspora, at eksperimento sa anyo. Pero kung titingnan mula sa lente ng feministang
pagbasa, kitang-kita na ang aklat na ito ay hindi lamang tumutula tungkol sa babae kundi
nakikipagbuno rin sa mismong estruktura ng patriyarkiya at ng kolonyal na paningin na
pumipinsala sa boses ng kababaihan. Ang mismong pamagat pa lang—Kalapating León—ay
isang matapang na juxtaposition: ang “kalapati,” madalas ikabit sa imahe ng babae bilang
maamo at tahimik, at ang “león,” tanda ng tapang at bagsik, na stereotypically ay inilalarawan
bilang lalake. Ang paglalapat ng dalawang imaheng ito ay hindi lang poetikong laro; ito ay
feministang deklarasyon na ang kababaihan ay kayang maglaman ng parehong katahimikan at
bagsik, parehong inang nag-aaruga at mandirigmang bumabangga.
Dito nagiging radikal ang panitikan ni Tabios. Hindi siya kumakapit sa realismong tuwid
at tuon. Sa halip, ginagamit niya ang mito, alamat, at simbolismo bilang paraan ng pag-ungkat sa
kasaysayan. Ang kalapati at leon—dalawang hayop na tila magkasalungat—ay nagiging
metapora ng kabuuang karanasan: kapayapaan at lakas, kahinaan at tapang, pagdurusa at
paglaya. Ang mitolohiya rito ay hindi pagtakas mula sa katotohanan, kundi isang paraan ng
paglikha ng bagong lente upang mas malinaw na makita ang totoo. Sa ganitong timpla ng mito at
alaala, niyayanig ni Tabios ang ating pagkaunawa sa kasaysayan at ipinapaalala: minsan,
kailangang maging makata upang mas maging tapat sa realidad.
Sa teknikal na aspeto, feministang radikal ang naratibong isinulat ni Tabios: hindi siya
natatakot na masira ang porma. Ang mga fragmentaryong talata, ang hybrid na pagsasanib ng
tula, tala, at ensayo, ay maaari ring basahin bilang feministang gestura laban sa linear at lohikal
na pormat ng kanluraning patriyarkal na pagsusulat. Sa halip na sumunod sa isang “malinis” na
daloy, pinipili niyang maglatag ng diskurso na parang katawan ng babae—hindi palaging tuwid,
hindi palaging kontrolado, pero laging makapangyarihan.
Hindi rin nakakalimot ang KalapatingLeon na ang bawat pakikibaka ay mas tumitindi
kapag may kasamang puso. Pero hindi ito idealistikong pag-ibig na kay tamis sa salita. Dito, ang
pag-ibig ay mapanganib, nakakapaso, minsan ay nakakadena. Gayunman, ito rin ang
pinagmumulan ng lakas: ang dahilan kung bakit patuloy na lumalaban ang mga tauhan kahit
harap-harapan ang kawalan ng pag-asa.
“Gusto nilang wasakin ko sila. Pero, minsan, ako ang nawasak.” (p.17)
Erotically charged ang nobelang ito—ngunit hindi sa paraang pang-akit o panandaliang
aliw. Ang erotisismo ni Tabios ay hindi palamuti, kundi salamin. Sa pamamagitan ng katawan ni
Elena Theeland, isang ulilang imigrante mula Pacifica, inilalantad kung paano ang kasaysayan
ng diktadura at kolonyalismo ay hindi lang nagmarka sa lipunan kundi pati sa laman, sa balat, sa
mismong paraan ng pagnanasa ng babae. Pansinin ang emphasis sa pagkakakilanlan ng bida.
Tila’y swak na swak sa kwento. Paulit-ulit siyang biktima ng patriyarka, diktaturya, at
kolonyalismo.
Bukod pa, ang kanyang paulit-ulit na pagpasok sa dominasyon at submission encounters
ay hindi fetish kundi paraan ng katawan na maglabas ng lihim—isang pisikal na paggunita sa
mga sugat ng kasaysayan. Sa ganitong pagbasa, ang erotisismo ay nagiging archive ng trauma at
kalayaan, isang wikang ginagamit ng katawan para ipahayag ang hindi masabi ng bibig.
“Inisip niya, Ano ang mangyayari sa akin, Ernst, ngayong pinili ko nang makilala
ka? At diyan ko na sinabi ang talaga namang halata: Sa ngayon, magkikita lamang tayo.
Magkunwari tayong may espasyo tayo para magdesisyong huwag magkita.” (p.42)
Sa kanyang relasyon kay Ernst, isang nonbinary lover, higit pang hinahamon ng nobela
ang hangganan ng kasarian at ang tradisyonal na konsepto ng pag-ibig. Hindi lamang ito
kuwento ng dalawang taong nagmamahalan; ito’y kuwento ng dalawang kasaysayang dating
magkaaway, ngayon ay nagtuturo ng kapatawaran, pag-unawa, at muling pagtatahi ng pagkatao.
Sa ganitong ugnayan, ang queer love ay nagiging rebolusyonaryong espasyo—isang pagsubok
kung paano maaaring umiral ang bagong mundo kung saan walang hangganan ang kasarian, at
ang pagmamahal mismo ang pinakamatapang na anyo ng paglaban.
Ang relasyong BDSM nina Elena at Ernst sa Kalapatingleon ay isa sa pinakamatalim
ngunit pinakanakamamanghang bahagi ng nobela dahil sa kung paano ginagamit ni Tabios ang
erotika bilang metapora ng kapangyarihan, kasaysayan, at pagbawi ng katawan. Sa unang tingin,
tila ito’y kwento lamang ng dominasyon at submission, ngunit sa mas malalim na pagbasa,
makikita na ang dinamika nilang dalawa ay sumasalamin sa malalim na sugat ng diktadura,
kolonyalismo, at gendered oppression.
“O minsa’y hinahawakan ko sila para masiguradong nariyan nga talaga sila,
nakatayo malapit sa akin at nakikipagpalitan ng hininga.” (p.8)
Para sa dalawa, ang akto ng submission ay hindi kahinaan; ito ay ritwal ng muling
pag-angkin. Ang pagpapasailalim ni Elena ay hindi pagsuko kundi pagsubok—isang paraan ng
pagtuklas kung hanggang saan niya kayang ibigay ang kontrol, at kung paanong sa mismong
pagbibigay na iyon, nakakamit niya ang kakaibang anyo ng kalayaan. Sa isang lipunang matagal
nang nagdikta kung ano ang dapat maging ideal na babae, nagiging rebolusyonaryo ang kanyang
pagnanasa: tinatanggap niya ito, ginagalugad, at ginagawang wika ng katawan ang hindi kayang
sabihin ng dila.
Si Ernst, bilang nonbinary, ay nagsisilbing salamin ng posibilidad—isang pag-ibig na
hindi nakakahon sa gender o moralidad. Sa kanilang relasyong puno ng tiwala, takot, at
pagnanais, pinupunit ni Tabios ang ideya ng “normal” na intimacy. Sa halip, ipinapakita niya na
ang tunay na intimacy ay nakabatay sa tiwala, hindi sa hierarchy ng kasarian o kapangyarihan.
Kung iisipin, ang BDSM sa nobela ay hindi lang pisikal na akto, kundi metapora ng
kasaysayan ng bansa. Tulad ng katawan ni Elena, ang Pilipinas ay matagal ding inangkin,
sinakop, pinatahimik. Ngunit sa muling pagkilala sa sarili—sa pagharap sa sakit at
pagnanais—nagiging posible ang pagbawi. Sa ganitong pagbasa, si Elena ay hindi lamang babae
sa ilalim ng kapangyarihan ng minamahal; siya ay bansa sa proseso ng pag-ahon, ginagawang
erotika ang kasaysayan upang muling sulatin ito mula sa loob ng katawan.
“Noong unang panahon, lumapit ka sa isang abuhing gusali kung saan ako
naghihintay sa iyo. Habambuhay na akong naghihintay, Elena, naisip ko habang
pinanonood kita mula sa bintana sa ikatlong palapag. Naghintay na nga ako sa
Kapwa-oras kung saan walang konsepto ng paghihintay.” (p.93)
Si Elena ay laging nasa pagitan—hindi kailanman buo, ngunit palaging nagtatangkang
mabuo. Dito, naisip ko ang Japanese art ng Kintsugi kung saan mas napapaganda ang isang
bagay dahil sa pagkawasak at muling pagbuo nito. Kay Elena, ang identidad ay hindi matatag
kundi gumagalaw: nasa gitna ng personal na sugat at pambansang kasaysayan, ng pagiging babae
at ng pag-iral lampas sa mga kahon ng gender. Sa paggamit ni Tabios ng kapwa-time—isang
mitikong lente kung saan sabay-sabay nagkakasalubong ang nakaraan, kasalukuyan, at
hinaharap—pinapakita niyang ang pagkatao ay hindi produkto, kundi proseso: patuloy na
pagbabago, patuloy na paglikha.
Maging ang anyo ng nobela ay patunay ng paglaban. Bawat seksyon ay nagsisimula sa
“Once upon a time,” na tila paanyaya sa isang engkanto o fairytale—ngunit ang kuwentong ito
ay hindi tungkol sa prinsesa at kastilyo, kundi sa diktadura, kolonyalismo, at dugo. Sa hybrid na
estilo ni Tabios, pinag durugtong niya ang tula, mito, alamat, kasaysayan, kritika, at
imahinasyon. Ang ganitong anyo ay isang pahayag: na ang panitikan ay hindi lamang paraan ng
pagsasalaysay, kundi isang sandata laban sa pagkalimot. Sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga
anyo, binubuo ni Tabios ang isang alternatibong kasaysayan—isang mito ng katotohanan, kung
saan ang paglikha mismo ay anyo ng paglaya.
“Hindi maaaring magkaroon ng sining nang walang konteksto. Pero ang kadalasang
gumgawa ng sining ay ang pagkakaputol-putol ng mga nabuong (mga) konteksto. Mahal na
Elena, inisip ni Ernst, puputulin ba natin ang konteksto na gustong isiil sa atin ng isang
diktdor?” (p.61)
Sa huli, ang relasyon nina Elena at Ernst ay isang eksperimento sa paghilom—hindi
marangal, hindi komportable, ngunit totoo. Sa pagitan ng pighati at pagnanasa, ng kontrol at
pagbitaw, ipinapakita ni Tabios na may lakas sa pagharap sa sariling sugat. Ang katawan, kahit
puno ng marka, ay hindi kailanman purong biktima—ito rin ay alaala, instrumento, at saksi sa
sariling pagbawi ng kapangyarihan. Naratibo na nakasiksik sa marami pang leyenda’t naratibo.
Kaya, isa sa pinakamalaking ambag ng KalapatingLeon ay ang matatag nitong
paniniwala na ang panitikan ay espasyo ng pagkilos. Sa loob ng wika, maaari tayong maghilom;
sa loob ng pagsulat, maaari nating buuin muli ang pagkatao; at sa mismong akto ng paglikha,
maaari nating itaas ang bandila ng paglaban—kahit tahimik, kahit personal, kahit tila maliit.
Sapagkat sa bawat tula, sa bawat pahina, at sa bawat pagbigkas ng alaala, naninirahan ang
rebolusyon.
Ngayon naman, kung si Elena ang puso ng nobela, si Ernst naman ang salamin—hindi
lang ng kanyang pag-ibig kundi ng pagbabagong hinahanap niya sa sarili at sa bayan. Madaling
gawing simpleng love story ito: babae, lalaki, romansa. Pero hindi iyon ginawa ni Tabios. Sa
halip, ginamit niya ang isang trans nonbinary character bilang sentro ng naratibo—isang political
at poetic statement na bumabali sa inaasahang anyo ng pag-ibig at identidad.
Ang pagiging trans ni Ernst ay anyo ng paglaya—pagtakas sa dikta ng lipunan at
kolonyalismo kung paano “dapat” magpakatao. Tulad ng bansang pinilit lagyan ng hangganan ng
mga kolonyal na kapangyarihan, nilalagyan din ng hangganan ang kasarian: lalaki o babae,
walang gitna. Ngunit si Ernst ay ebidensyang may pagitan, may sariling espasyo. Sa ganitong
paraan, ang relasyon nila ni Elena ay nagiging pagtalon mula sa opresibong binary tungo sa mas
malaya at mas masalimuot na posibilidad ng pagmamahal.
Ang pagiging trans ni Ernst ay repleksyon din ng anyo ng nobela mismo—hindi linear,
paulit-ulit ang “Once upon a time,” laging nasa transisyon. Tulad ng katawan ni Ernst na hindi
maikahon, ang akda ni Tabios ay tumatangging makulong sa genre: hindi lang nobela, hindi lang
tula, hindi lang kasaysayan, kundi lahat nang sabay-sabay. Ang porma ay transgressive,
lumalaban sa tradisyunal na balangkas ng pagsasalaysay tulad ng katawan ni Ernst na lumalaban
sa binary.
Kalakip nito, feminista ang pagbasa dahil binabasag nito ang patriyarkal na pagtingin sa
babae bilang biktima, at trans dahil hinahamon nito ang binary system—hindi lang sa kasarian
kundi pati sa kasaysayan, sa wika, at sa mismong anyo ng nobela. Sa huli, ang relasyon nina
Elena at Ernst ay hindi lang romansa, kundi isang rebolusyon ng katawan, ng pagkakakilanlan, at
ng pinagmulan.
Bilang mambabasa, hinahamon tayo ng relasyong ito: paano umibig kung ang kasarian
ay hindi sumusunod sa tradisyunal na template? Sa tanong na ito lumilitaw ang ganda ng
nobela—pinipilit tayong iwan ang comfort zone at tanggapin na ang pag-ibig, gaya ng kasarian,
ay fluid, kumplikado, at walang iisang anyo.
Mahusay rin ng tono at pacing nina Tabios at Remoto—perfect duo—matalim pero
maramdamin, malalim pero may halong biro at banayad na lambing. May mga sandaling
mapapahinto ka’t mapapaisip: “Puwede palang maging ganito ka-playful at experimental ang
nobelang tumatalakay sa bigat ng diktadura?” Hindi ito yaong tipikal na “historical novel” na
tuwid at kronolohikal; sa halip, para itong patchwork quilt—pinagtagpi-tagping dokumento,
alaala, panaginip, at tula, lahat nakatahi sa tinig ng isang babaeng patuloy na naghahanap kung
sino siya sa gitna ng kasaysayan, patriyarka, at pagkaligaw. Sa bawat pahina, dama mo ang
paglalaban ng talino at damdamin, ng logic at lirismo—isang matinding balanse na bihirang
makamit.
Karapat-dapat lang na isalin ang nobelang ito sa Filipino. Ganitong uri ng literatura ang
dapat pang ipagyabong at ipagmalaki ng bansa. Ang nagawang pagsalin din ay nagbibigay ng
karagdagang konteksto sa mundong ginagalawan hindi lamang sa loob ng akda ngunit sa labas
nito. Ang mga katotohanang nakatahi sa pagitan ng libro’t tunay na buhay.
Kamangha-mangha kung paano ginamit ni Danton Remoto ang wikang Filipino sa
KalapatingLeon, lalo na sa paraan ng kaniyang pagsasalin ng mga panghalip na may kinalaman
sa kasarian. Ang wikang Filipino, sa likas na katangian nito, ay gender-neutral. Wala itong
binaryong katumbas ng “he” o “she”—ang mga panghalip na ginagamit natin gaya ng siya,
kaniya, sila, atin, at akin ay nakabatay sa dami, hindi sa kasarian. Kaya’t sa atin, likas na natural
na ang parehong salita ay maaaring tumukoy sa babae o lalaki. Hanggang ngayon, marami pa
ring Pilipino sa bansa ang tumatanggi sa paggamit ng terminong “Filipinx,” sapagkat para sa
kanila, sapat na at inklusibo na ang “Filipino” bilang katawagan. Sa ganitong paraan, matagal
nang taglay ng ating wika ang likas na pagkalikido o fluidity na hirap pang maabot ng wikang
Ingles.
Ang talagang nakatawag-pansin sa akin ay kung paano ginamit ni Remoto ang mga
panghalip na maramihan tulad ng sila at nila upang tukuyin si Ernst, imbes na ang karaniwang
siya o niya. Noong una, medyo nagtaka ako. Naitanong ko pa nga sa ilang kaibigang queer kung
tama bang ituring itong pagsasalin ng they/them o kung may ibang dahilan. Ngunit habang
pinag-iisipan ko, napagtanto kong may mas malalim na intensyon si Remoto. Ang paggamit ng
maramihan ay hindi lamang paraan upang kilalanin ang di-binaryong identidad ni Ernst; ito rin
ay simbolikong representasyon ng kasaysayan at kolektibong alaala.
Sa mas malalim na pagbasa, ang sila ay hindi lamang tumutukoy kay Ernst bilang
indibidwal, kundi bilang sagisag ng marami—ng mga taong nawala, ng mga tinig na
pinatahimik, ng mga alaala ng bansa na patuloy pa ring binabalikan. Si Ernst, sa ganitong
pagtingin, ay hindi lang isang tao; sila ang kasaysayan mismo, ang kabuuan ng mga multo’t
gunita na kinakaharap ni Elena at ng mga mambabasang Pilipino. Sa paggamit ng sila, ginawang
kolektibo ni Remoto ang identidad—isang pag-amin na ang pagkatao ay hindi kailanman
nag-iisa. Ang panghalip ay nagiging anyo ng paglaya: isang wika ng pag-angkin, na nagsasabing
ang “ako” ay laging binubuo ng “marami.”
Maigi rin na tandaan na sa nobela, ang pagsulat ay nagiging paraan ng pag-angkin ng
pag-iral. Ang narasyon ay isang uri ng pag-aaklas. Kaya’t habang binabasa natin si Elena, hindi
lang siya karakter—isa siyang representasyon ng kababaihang bumabawi ng tinig, ng mga
babaeng ginamit at pinatahimik, ngunit ngayon ay muling sumusulat upang muling mabuhay.
Kung tutuusin, ang anyo mismo ng nobela ay isang performance ng identity.
Fragmented, nonlinear, minsan magulo—pero ganoon din naman ang proseso ng pagkatao, hindi
ba? Ang gender at identity ay hindi linya kundi labyrinth: paikot, nagbabago, minsang magulo
pero may sariling lohika ng pag-iral. Sa estilong ito, ipinapakita ni Tabios na ang porma ng
panitikan ay maaaring maging salamin ng proseso ng pagbuo ng sarili. Hindi kailangang buo
para maging totoo, at hindi kailangang tuwid para maging makabuluhan. Sa bawat puwang, sa
bawat sirang bahagi, naroon ang puwersa ng pagiging tao—magulo, maganda, at patuloy na
lumalaban.
Ang KalapatingLeon ay hindi lamang aklat na dapat basahin ng mga nasa diaspora, kundi
dapat ding yakapin bilang feministang manifestong pampanitikan. Ang wika, katawan, at
kasarian ay hindi na hiwalay na larangan dito. Sa halip, ang bawat talata, bawat imahen, ay
nagiging pagkakataon para muling isulat ang ating mga sarili—hindi bilang mga pasibong
“kalapati,” kundi bilang mga leong handang umatungal laban sa lumang sistema.
Ngayon, babalikan ko ang kantang nabanggit sa introduksyon. Kung i-uugnay sa
Kalapatingleon sa isang kanta, ang “Himig ng Pag-Ibig” ni Shanne Dandan ay tila nagiging
tugtugin ng muling pagkabuhay ni Elena—isang paalala na kahit ang pag-ibig na sugatan ay may
kakayahang. Para sa akin, huling huli ng kanta ang naging pagsalin ni Remoto. Malumanay,
gloomy, may intriga. Ang paglatag ng mga salita ay pira-piraso ng isang malaking puzzle. Hindi
alam kung ano nga ba ang susunod na magaganap ngunit hindi mo maiwasang magmuni-muni.
Swak na swak. At bagay sa maulang panahon.
Sa awitin, ang “pagsapit ng dilim” ay sumisimbolo sa mga taon ng diktadura at kolonyal
na anino na bumalot sa katawan at alaala ni Elena. Gayunpaman, tulad ng liriko, “Ako’y
naghihintay pa rin sa iyong maagang pagdating,” naroon pa rin ang pananabik—hindi lamang
sa minamahal, kundi sa pagbabalik ng pag-asa at pagkakakilanlan. Ang “tulad ng ibong malaya
ang pag-ibig natin” ay maaaring basahin bilang metapora ng queer love nina Elena at
Ernst—isang uri ng pag-ibig na lumalampas sa hangganan ng kasarian, kasinglawak ng langit na
tinutukoy ng kanta. Sa bawat “tibok ng puso’y kay sarap damhin,” naroon ang pulso ng paglaya:
ang katawan na minsang naging saksi sa karahasan, ngayo’y tumutugon muli sa ritmo ng
pag-ibig at paghilom. Sa dulo, gaya ng kanta, ipinapakita ng Kalapatingleon na ang
pag-ibig—anumang anyo nito: para sa sarili, pamilya, kaibigan, nasyon, mundo, o kung ano
pa—ang patuloy na ilaw sa buhay natin: hindi perpekto, hindi tahimik, pero palaging
nagbibigay-linaw sa gitna ng dilim.
Sa makatuwid, hindi talaga commute-friendly ang KalapatingLeon. Hindi siya nobelang
para sa lumilipad ang isip; ito ay nobelang humihiling ng lubos na pananatili. Pero doon siya
namumukod-tangi. Hindi siya dinisenyo para palipasin ang oras, kundi para patigilin ka. Hinihila
ka niya palabas sa lahat ng pag-aabala ng mundo at itinatapon ka sa sariling kailaliman. Ang
bawat pahina ay parang piraso ng basag na salamin: matalim, pero kailangang pulutin para
mabuo ang kabuuang larawan ng kasaysayan, kaguluhan, at katiwasayan. At sa pagpupulot na
iyon, ikaw mismo ay nadadamay—hindi bilang pasibong mambabasa, kundi bilang kasabwat na
humuhugot ng kahulugan mula sa kalat ng nakaraan.
Ang estilo at tonong ginamit ni Eileen Tabios ay sadyang mapangahas. Hindi siya
natatakot gumamit ng putol-putol na naratibo, nakakagulong pagkakasunod ng mga pangyayari,
halo-halong anyo, at matitinding imahen para iparamdam na ang kasaysayan at identidad ay
hindi kailanman linear. Ang teknik niya, parang collage—pinagtagpi ang personal na alaala,
pambansang sugat, at mitolohiya ng katawan. Dito nagiging buhay ang interseksyon ng kasarian,
sekswalidad, at pagkakakilanlan: ang babae’y hindi lang tauhan kundi mismong daluyan ng
15alaala, ang sekswalidad ay hindi lang kasayahan kundi sugat na kailangang gamutin, at ang
pagkakakilanla’y hindi lang ukol sa natatanging ngalan kundi ukol sa pakikipaglaban upang
makilala ang sarili.
Kung babasahin, para kang nakikipag-usap sa nobela na parehong guro at kaibigan:
minsan malumanay, minsan matalim, minsan parang sermon, minsan parang tula. Bonus na
maraming quotable quotes. At lahat ng iyon, iisa lang ang hinihingi: ang seryosohin siya.
Sulit siya. Sulit dahil pagkatapos mo siyang basahin, hindi lang kwento ni Elena ang dala
mo, kundi ang mas malalim na pag-unawa kung paano hinuhubog ng kasaysayan, kasarian, at
panitikan ang ating pagkatao. Tila’y paalala na ang pagsusulat ng kababaihan at ng mga mula sa
marginalized community ay hindi lang akto ng pagpapahayag, kundi akto ng pagliligtas—sa
sarili, sa alaala, at sa bayan.
Kaya nga sa huli, masasabi ko na KalapatingLeon ay isang aklat na guguluhin ka muna
bago ka tuluyang payapain. Isa siyang pagsasanay ng isip at damdamin. At higit sa lahat, isa
siyang paalala na ang pagsusulat—lalo na ang pagsusulat ng kababaihan—ay hindi lang paglikha
ng kwento kundi pagbawi ng kasaysayan, katawan, at tinig.
Uulitin ko, ang librong KalapatingLeon ay hindi isang travel buddy. Pero kung gusto
mong magkaroon ng kasamang libro na kayang ipagpag ang alikabok ng nakaraan at ituro sa’yo
ang daan patungo sa sarili, tiyak na siya iyon.
*****
Angela Maria Tabios, also known as Blythe, is a senior Creative Writing major at the University of Santo Tomas in España, Manila, Philippines. As an essayist and playwright, she writes across multiple forms, including short stories, poems, essays, plays, and film scripts, with a particular focus on feminist writing and the intersectionality of gender, memory, trauma, and sexuality. Her work has garnered recognition for its depth and insight, including 3rd Place for One-Act Play, Choke, at the 40th Gawad Ustetika (2025), and publication in Dapitan 2023: Panopticon by the UST Flame, where her speculative fiction short story, The Song of the Tides, was featured.
A passionate spoken word and performance artist, Blythe has performed at various UST events since 2023, bringing her feminist and socially conscious narratives to life. She recently authored her essay “In the Wake of Dark, Here You Are: Reflections on KalapatingLeon by Eileen R. Tabios, Translated by Danton Remoto,” and its Filipino counterpart, “Sa Pagsapit ng Dilim, Ako’y Naghihintay Pa Rin: Isang Masusing Pagbabasa ng KalapatingLeon ni Eileen R. Tabios, Na Isinalin sa Filipino ni Danton Remoto." Written for her Gender and Writing class, these in-depth analyses examine the novel’s engagement with gender, tracing how its narratives and literary strategies intersect with memory, trauma, and sexuality. Blythe’s engagement with the concept of translation and the intricate dynamics of language prompted her to compose her analysis in both English and Filipino, thereby illuminating the subtle nuances and interpretive possibilities that emerge across linguistic contexts.
Currently, Blythe is developing her senior thesis, a medical thriller limited series, blending suspense with critical explorations of human and societal dynamics. Her work consistently bridges literary craft and performative storytelling, championing nuanced perspectives on gender, power, and identity.



No comments:
Post a Comment